WHAT I WISH IT TOOK TO BE A FILIPINO

7:18 AM Pia San Felipe 3 Comments

Image of the Philippine Flag retrieved from: Pinoy Facts and Trivia
What does it take to be a Filipino? When we Filipinos describe ourselves we say that we're hospitable. We pride ourselves in being one of the most hospitable countries in Asia, if not the world. We also see ourselves as being respectful towards the elderly as we fondly tell foreigners of our po and opo culture. Family cohesiveness is also very prevalent in the country as some still lives with their parents even after marriage while some even decides to live in a compound with their relatives, and most, if not all, would never even think of leaving their elderly parent/s or grandparent/s in a nursing home. We say that we're very jolly people -- that we can find the fun in almost everything and the bright side to a seemingly hopeless situation; given that, we're very well-known for our resiliency, what with the numerous disasters we have faced and continue to face, both natural and man-made. We also believe that we have a lot of talented pinoys in the country with a handful making it to the Western showbiz scene. We brag about being able to speak fluent English much more than our neighboring Asian countries, too. Lastly, as a result of the Spanish colonization, most of us consider ourselves as God-fearing. I could go on and on about the qualities and attributes that we Filipinos think we have that makes us who we are as a nation. But I would like to share what I wish it took for people to be a true Filipino.

First things first, I wish that being able to speak in our native language fluently was what it took to be a Filipino. Oo, sana iyan ang pinaka-unang batayan ng pagiging Pilipino ng isang indibidwal. At dahil diyan, Tagalog na ang aking gagamitin hanggang sa katapusan nitong blog post na ito (aaminin ko na hindi din naman ganoon kagaling ang pananagalog ko pero susubukan ko pa din). Bumalik tayo sa aking punto, hiling ko na sana hindi gawin ng mga Pilipino bilang depinisyon para sa kanilang mga sarili ang pagiging matatas sa pagsasalita ng lengwaheng banyaga. Aanhin nga naman natin ang halos perpektong gramatika tuwing nagsasalita o nagsusulat sa ingles kung hindi naman natin kayang gawin iyon nang mas mahusay pa sa ating sariling wika? Napaka-gandang magbasa sa wikang Tagalog, malaman at tagos sa puso lalo pa at naiintindihan natin ng sadya at totoo ang mga nakasulat. Sabi ng aking guro kanina lamang, kahit sa pagmumura, mas masakit at ramdam mo ang putang ina kaysa sa fuck you dahil alam mo ang tunay na kahulugan ng murang tagalog. Sana hindi natin gawing batayan ng katalinuhan o antas sa buhay ang pagiging marunong o hindi sa pagsasalita sa ingles. Ano ba ang kinalaman noon sa pagiging Pilipino natin? W A L A .

Pangalawa, sana ang tingin ng mga pinoy sa tunay na Pilipino ay iyong pantay ang tingin at trato sa kaniyang mga kapamilya at kababayan. Sa sobrang pagmamahal kasi natin sa ating pamilya, minsan wala na tayong pakialam kahit naaagrabyado na ang ibang tao. Hindi ka nga makasarili sa iyong pamilya pero naperwisyo mo naman ang mas nakararami. Ang tunay na Pilipino sana ay may pagpapahalaga sa lahat ng tao. Sana yung pagmamahal natin sa pamilya natin ay huwag gawing dahilan para gumawa ng mali.

Kagaya ng respetong sinasabi natin na ibinibigay natin sa matatanda ang respetong ibinibigay natin sa lahat ng tao kahit na mas bata pa sa atin. Napansin ko na mahilig tayong magsabi ng "respeto naman oh" pero kapag titignan mo kung paano niya kausapin ang iba, mapapaisip ka kung bakit siya humihingi ng isang bagay na hindi din naman niya binigay noong una pa lang.

Kaakibat ng usaping respeto ang relihiyon. Madami kasing relihiyon dito sa atin diba? Pero ang pinaka-nanaig ay ang Katolisismo. Paanong hindi, higit tatlong siglo tayo sinakop ng mga Espanyol at ang tanging paraan upang kahit paano ay maramdaman nating tanggap tayo ng mga prayle at mestizo ay ang pagsisimba linggo linggo, magdasal, at paniwalaan ang mga bagay na pinaniniwalaan nila. Pero siyempre, nadagdagan pa ng Islam, Judaism, Hinduism at Kristiyanismo ang mga relihiyon sa bansa. Kung kaya naman, ang totoong Pilipino ay iyong kayang tanggapin na ang bawat tao ay may kani-kaniyang paniniwala.

Magandang katangiang ang pagiging matiyaga lalo na ang kakayanan na maging positibo pa din ang tingin sa hinaharap sa kabila ng delubyong naranasan o lubos na kahirapan. Sana tunay na ganiyan ang isang Pilipino. Ngunit, karamihan ay gusto ang madalian na solusyon sa kanilang problema. Matiyaga nga, pero para lamang sa tinatawag na band-aid solution. Kumbaga, yung pwede na. Mataas naman talaga ang potensiyal nating mga Pilipino na maging matagumpay bilang indibidwal, pero dahil kurakot na nga ang gobyerno, hinahayaan na lang natin kadalasan mapanatag na lang sa isang bagay o situwasyon na kung bibigyan natin ng kaukulang pansin at mas madami pang tiyaga ay mas mapagbubuti pa natin.

Talentado naman talaga ang karamihan sa atin. Maraming magaling kumanta, may mga mahusay magsulat at iba pa. Ang tunay na Pilipino sana ay tumatangkilik sa mga ito bago tangkilikin ang mga nasa ibang bansa. Minsan kasi yung mga talagang magaling ay hindi nabibigyan ng kaukulang pansin at kung kailan naging panauhin na ni Ellen o ni Oprah, tiyaka lang ipagsisigawan ang "WOOOOHH! PINOY PRIDE!!!" Nasa lokal na telibisyon ng yan dati pero hindi mo pinansin.

Kung kaya, ang sana'y batayan ng pagiging isang Pilipino ay ang kaniyang ganap na pagiging makabayan. Iyong taong tatangkilikin muna ang gawa ng kaniyang mga kababayan bago ang sa banyaga -- sa ganiyang paraan kasi mas mapagbubuti ng ating mga kababayang ang kanilang kakayanan dahil alam nilang may kabuluhan at pupuntahan ang kanilang mga likha; iyong hindi makasarili at hindi mamemerwisyo para lamang sa kaniyang personal na interes; iyong may sapat na pasensya, tiyaga, at pagpupursigi para maging dalubhasa sa kaniyang napiling larangan; at iyong tao na handang gawin ang lahat para sa pag-unlad ng kaniyang bansa.

Sana. Sana ganiyan ka. Sana ganiyan ako. Sana ganiyan tayong lahat. Sana ganiyang ang Pilipino.

Sa tingin mo, Pilipino ka ba? Ako kasi hindi eh, pero gusto ko maging isang tunay na Pilipino.

3 comments:

  1. Nakatutuwang sinubok mong magsulat sa Tagalog, at maganda ang iyong hangarin sa pagsubok.

    Nais ko lamang maghain ng kuro-kuro sa ikalawa mong punto (at ma-ensayo rin ang aking pagsusulat sa purong Tagalog. HAHA!).

    Totoong mataas ang pagpapahalaga natin sa ating pamilya at ito ay parehong may magaganda at di-magagandang epekto. Malalim at masalimuot ang pinag-uugatan ng ating matinding pagmamahal sa pamilya. Ayon sa ibang mga iskolar, ito ay bunsad ng alienasyon at opresyon na naranasan ng mga Pilipino mula sa mga institusyon ng "bayan" (pamahalaan, simbahan, atbp.) noong panahon ng mga pananakop dahil ang mga posisyon noon ng kapangyarihan ay hawak ng mga banyaga (gobernador, kuro-paroko, atbp.). Kung kaya't ang katapatan ng ating mga ninuno ay nanatili sa antas ng pamilya or rehiyon (kung kaya't pinaburan ni Aguinaldo ang mga Kabitenyo, at ni Ferdinand Marcos ang mga Ilocano).

    Sa paglaon ay pinagpasa-pasahan na itong kaugalian. Hindi talaga natin lubos na masisisi ang ating mga sarili kung bakit matindi ang ating pagpapahalaga sa pamilya sa puntong nakakasakit na tayo ng ating kapwa. Ito ay may ugat na historikal at kultural na mahirap buwagin at baguhin.

    Ang alam ko, natutunan ko itong panunuring ito mula sa isang babasahin sa Sikolohiyang Pilipino. Si Dr. Zafra ata ang manunulat. Sana makatulong.

    (At salamat! Ang sarap pala magsulat muli sa purong Tagalog. Uutal-utal lang ako at minsa'y nagsasalin pa mula sa Ingles, ngunit napagtagumpayan pa rin itong ensayo!)

    ReplyDelete
    Replies
    1. Maganda naman ang kaugalian natin mga Pilipino na malapit sa pamilya. Ang sana lang, hindi iyon gawin dahilan upang gumawa ng kamalian sa kapwa.

      Salamat sa pagsubok din na makipag-usap sa Tagalog, nakatutuwa makita na hindi lamang ako ang may gustong matuto. :)

      Delete
    2. Ang karangalan ay akin. Haha! We should do this a lot. This is so masaya. :))

      Delete